Alexa Denise

i-click para mabasa ang simula ng kwento.    Maaaring magtanong   

Si Alexa Denise ay isang batang narito sana kung naging mas maayos ang mga sitwasyon bago siya itinakdang maipanganak. Siya ay nakapiling ng ating panginoon noong January 10, 2010.

Ang kanyang ama at ina ay kapwa mga taga elbi.

para sa unang bahagi ng kwento, maaring bisitahin ang ang page na ito.

maari din magtanong
dito

Anak, ganito ako mag move on.
At sayo na ina nya, kailan mo nanaising matuto?

January 9, 2011 at 11:57am
0 notes

Babang luksa.

Isang taon na ang nakakaraan.

Anim na oras mula ngayon, itetext ako ng nanay mo na dinudugo na siya at dapat daw akong magpasalamat dahil hindi na kita poproblemahin.

At nangyari nga ang nangyari. Nagdesisyon ang tadhana para sa atin.

Ngayon anak, nais kong pormal nang kalimutan ang lahat ng nangyari. Humihingi din ako ng tawad sa kapatid mong si D dahil nagambala ko pa ang kanyang pananahimik. Hindi ko man siya anak, gusto ko iparating sa kanya na may nakaalala din naman sa kanya.

Ang Enero ang buwan na pareho kayong (hindi) isinilang.

Anak, maraming salamat dahil palagi kang nariyan.

At sa kabila man ng mga hinanakit ko sa buhay, hindi pagkatuto sa mga pangyayari, alam kong ikaw lang ang mananatili para sa ating dalawa.

para sa akin.

Salamat anak kasi sa loob ng mahabang panahon alam kong ginagabayan mo ako sa gitna ng mga sakit at pagdurusa. Nakakalungkot lang dahil dapat, ang ama ang gumagabay sa anak sa kanyang paglaki at pagkatuto.

Pero ako ang ginabayan mo, at ngayon sisiguruhin kong matututo na ako.

Gusto ko malaman mo na mahal na mahal pa rin kita. Tumbas ng pagmamahal ko sa mga magiging kapatid mo pa sa hinaharap. Hindi iyon nagbabago. Napakasakit pa rin sa akin pag naiisip kong dapat sana magkasama tayo ngayon. Napakasakit parin sa akin kapag naaalala ko ang mga planong itakas ka para hindi ka lumaki sa nanay mo, ang mga planong itago ka para lumaki kang tayo ang magkasama.

Salamat mahal kong Alexa, matapos ang mahabang panahon makakapagpahinga ka na.

At sana, nakangiti ka pa rin sa susunod na magtagpo tayo, sa panaginip man o sa kabilang buhay.

Nagmamahal,

Tatay

January 8, 2011 at 4:28pm
0 notes

Inihahanda pa rin ang aking sarili.

Bukas. Isang taon na anak.

Alam mo ba, napakabilis pala noon anak. Masyado akong naging tarantado.
Binitbit ako ng aking katarantaduhan at inilipad sa ibabaw ng oras.

Kay bilis pumanaw ng aking mga gunita at dalamhati.

Ngayon, nag iisa ako. Alam kong ikaw lang ang pwede kong makasama.

Bukas anak, isang taon na.

Hindi ka naman sa akin nawalay. Isang taon na mula ng matutuhan kitang mahalin.

Wala na akong sama ng loob sa nanay mo. Ang katunayan niyan, hindi ko na siya iniisip.

Walang hanggan ang pagtingala ko palagi para abangan ka.

Mahabang panahon akong nakalimot kaya dapat akong bumawi.

Bukas isang taon na anak.

Marami ka nang tampo sa akin alam ko. Wag ka mag alala.

Babawi ako sa iyo. Basta sana wag mo akong pababayaan.

Hindi naman ako lalaya sa alaala nating dalawa.

Dahil sa iyo ako malaya. Sa iyo ako hindi napapagal.

Bukas anak isang taon na.

Hindi na natin pipilitin ang nanay mong may maalala siya.

Buhay na ang bahala sa kanyang tunguhin

basta ang atin ay atin, at kakargahin na lang kita sa aking isipan.

na parang kaya kong damahin ang iyong bigat

na parang tunay na batang pwedeng kargahin

kahit na alaala ka na lang at di na pwedeng yakapin.

Alexa Denise. Naaalala mo pa ba?

1-10-10

January 3, 2011 at 7:09am
0 notes

Pito bago ang ika sampu.

Kumusta ka na?
Matagal na hindi nakasulat ang tatay ah. Matagal na matagal na anak. Siguro minsan naiisip mo na nakalimutan na kita. Wag kang mag alala dahil palagi kitang naaalala.

Matagal na panahon din pala mula ng huli akong sumulat. Noong huli akong sumulat, limang buwan ka pa lang nawawala sa akin.

Ngayon, mag iisang taon na pala. Sadyang napakabilis ng mga pangyayari.

Alam kong kung mayroong nakikinig sa mga dasal ko gabi gabi, ikaw yun. Alam kong nasaksihan mo ang lahat ng pangyayari sa loob ng taong nakaraan. Anak, patawarin mo ako sa lahat ng nakita mo.

Patawarin mo ako kung marami akong pangako na hindi ko natupad.
Patawarin mo ako kung nagkamali ako.
Patawarin mo ako dahil hindi ako nagbago.

At sa tuwing naaalala ko, nalulungkot ako. Naiisip kong inasahan mo ang lahat ng pagbabago.
Sana ay mapatawad mo ako.

At sana nga anak, tuluyan ko nang mabago ang lahat. Sa tulong mo at sa iyong panalangin sa Kanya, alam ko magagawa natin ito. Tayong tatlo ng mami mo.

Nagmamahal palagi,
Tay

June 11, 2010 at 5:11am
2 notes

Limang Buwan.

Dear anak,

Na miss mo ba ang Tatay? Namiss ko din magsulat sa iyo anak.
Medyo matagal bago ako nakasulat ano. Siguro kasi medyo pinilit ko munang
ayusin yung mga personal kong drama sa buhay.
Hindi ko alam kung ano na ba ang sitwasyon ko ngayon dahil malaking adjustment
nanaman para sakin dahil hindi na kami magkasama sa bahay ng mommy mo.
Kinakailangan ng trabaho na andun lang siya nakatira sa malapit,kaya kailangan namin maghiwalay ng bahay. Pero okay lang, nakakaisang linggo na rin ako dito.
Naka adjust na kahit papaano.
Ikaw anak, kumusta ka na ba? Palagi ka namin ipinagdarasal. Hindi ko alam kung may gusto ka pa ba iparating sa akin. Mukhang pakiramdam ko eh masaya ka ngayon diyan. Paminsan minsan napapanaginipan pa rin kita. Masaya ako kasi alam kong masaya ka.
Limang buwan na simula ng mawala ka sa amin. Paunti unti nang bumabalik ang mga sitwasyon sa dati, mabuti man o masama. Kailangan kong pakisamahan itong pag “nonormalisa” ng mga bagay bagay. Sabi ng mga kaibigan ng tatay, marami daw nagbago sa akin. Sa pananamit, pagsasalita, at marami pang iba. Hindi ko naman alam kung mabuti ba o masama. Basta sabi nila nagbago ako. Alam ko dahil yon sa iyo anak. At alam kong lahat ng iniabante ng buhay ko ay dahil sa inyong dalawa ng mommy mo.

Limang buwan na anak, namimiss ka na namin. Mayroon ka na palang kinakapatid. Binyag na sa susunod na linggo. Sana makapunta ang tatay. Ngayong ikalimang buwan mo, maraming nagtext sa akin at nakaalaala. Natutuwa ako at naging mabuting aral tayo sa kanila.

Nagmamahal,
Tatay.

May 11, 2010 at 4:24am
0 notes

Happy Mothers’ Day.

May 8, 2010

Dear Alexa,

Kumusta ka na anak? Ipagdasal mo ang Nanay dahil Mothers’ Day ngayon. Ipagdasal mo na sana maging mabuting nanay siya in the future, kung hindi pa man ngayon, at hindi sa mga nakaraan.

Mamaya, uuwi ang tatay para naman dalhan ng cake ang iyong ‘May*. Ilang araw na rin akong hindi nakakauwi dahil sa trabaho. Alam ko namimiss na ko nun.
Ganun naman talaga ang mga nanay, minsan ayaw makita ang anak, pero pag tagal mamimiss din naman niya. Sana ganun din ang Nanay mo.

Sabi nila, kapag pinanganak ang isang sanggol, isinisilang din ang isang nanay. Hindi nagiging nanay ang isang babae hanggat hindi siya nagkakaanak. Simula sa pagbubuntis, nanay na siya.

Minsan hindi maganda sa pakiramdam maalala kung anong mga nangyari sa atin, pero sinusubukan ko para matuto ako. Doon sa mga pagkakataong hindi ako nagpakatatay sa iyo, binabalikan ko na lang sa isip ko para maging tatay sayo. Masakit pero dapat matuto. Sana ganoon din ang nanay mo.

Sa Martes, simula na ako ng trabaho sa eskuwelahan kung saan nagtuturo si Pau. Kung magkikita kami at kung ano ang kahantungan noon, bahala na. Hehe. Ipagdasal mo ang tatay lagi at ang mommy mo.

Sa huli anak, ang hiling ko lang, ipagdasal mo ang nanay mo palagi, yung lahat ng kasalanan niya sa iyo at kay D, sana mapatawad na. At ipagdasal mo din ang mommy mo, na tumanggap sa iyo bilang si Alexa na parang tunay niyang anak. Sana gabayan sila palagi ng pag alala mo.


Nagmamahal,
Tatay.




* ang ‘May ay pinaiksi na Mamay, na tumutukoy sa Lola o Nanay, sa wikang Bikolano.

April 19, 2010 at 9:21pm
1 note

[image] Si Nanay at si Pao

Dear Anak,

Tulad ng pinangako ko sa sarili ko, ipapakita ko sa iyo kapag nakakuha ako ng picture ng nanay mo at ng asawa niya. Eto na anak, dahil curious tayong mag ama. Si Pao ay yung nasa kanan. Dinistort ko na ang mukha ng nanay mo dahil alam naman na natin ang itsura niya. At para hindi masabing ipinapahiya natin siya.

Anong masasabi mo anak? Ako wala. Gusto ko lang talaga mapakita sa iyo. Di ko alam kung bakit, feeling ko may karapatan kang malaman ang mga nangyayari sa nanay mo. Kung anu yang comment mo na iyan, na alam kong meron dahil mana ka sa akin, eh itago mo na lang muna.

Wag ka mag alala anak. Masaya na ang nanay mo sa kabila ng nangyari. Pero ayun nga, sana naaalala ka naman niya. Malapit na ang mother’s day.

Nagmamahal,

Tatay.

8:28pm
1 note

Ang simbahan at paniniwala ng Nanay

Dear Anak,

Aaminin ko sa iyo, hanggang sa kasalukyan ay dudang duda pa rin kami sa kwento ng nanay mo tungkol sa paniniwala nila. Kung naalala mo noon, ikinuwento ko na ATA sa iyo na sabi ng nanay mo, ang dahilan daw kung bakit hindi siya parang “nagluksa” sa pagkawala mo ay una; a)hindi ka pa tao, dugo ka pa lang. b) sa paniniwala nila, ang espiritu ng batang nalaglag daw ay nagwa”wander” lang around, at bumabalik muli sa nanay pag dumating na ang tamang pagkakataon para siya maipanganak; at c) sa relihiyon nila, hindi sila nagdedwell sa feeling kapag namatayan, dapat ay makamove on agad at tuloy ang buhay.

Ngayon anak, hindi ko alam kung sapat ba ito para bigyang justification yung kanyang ‘pagpapakasaya’ ilang araw lamang matapos ka mawala. Ayokong habambuhay kagalitan ang kanilang simbahan. Hangga’t maaari, gusto namin ng mommy mo na makausap ang kahit na sino mula sa simbahan nila para patunayan ang mga statements ng nanay. Kilala ko din kasi siya, magaling siya magpalusot at magpaikot ng sitwasyon sa konting iyak at palusot.

Kapag relihiyon at paniniwala na ang ibinala sa akin, usually nananahimik na ako, anak, bilang respeto. Pero this time, hindi ko alam. Tulad nga ng sabi ng Tita Jhie mo, maaaring ganoon nga ang kanilang paniniwala, pero certainly ay hindi iyon Christian. Hindi ko alam, pero sa personal kong paniniwala, kahit di ako nagbabasa ng biblya, mukhang wala ngang ganoong turo si Kristo.

Nagpakasaya man siya o hindi, sana man lang kasi nagkaroon siya ng respeto sayo Alexa, bilang anak niya. Hindi ko naman sinabing obligado siya maging malungkot, pero sana ginalang niya man lang ang sitwasyon at ang natira sa iyo.

Ayan tuloy anak, hindi ko na alam kung kailan o paano ito matatapos. Gusto namin sila kausapin, ang simbahan nila. Siguro matutupad yun sa mga darating na araw. Umasa ka anak ng maraming kwento mula kay tatay pag nakausap ko na sila. Sa ngayon, ipagdasal mo kami ng mommy ha, na sana gabayan kami lagi ni God.


Nagmamahal,
Tatay

8:26pm
2 notes

Mahabang Bakasyon

Dear Anak,

Kumusta ka na? ^^
Namamayat lalo ang tatay dahil laging maaga ang pasok ngayong bakasyon dahil sa trabaho. Haay, naku anak, nakakapagod pala talaga magtrabaho ng 8 hours, tapos routinely pa ang trabaho.
Kung di mo naitatanong anak, medyo mahirap magsaway ng mga batang makukulit. Mas makukulit pa ang mga high school kesa mga elementarya o mga kinder. Nakakainis ang kulit nila. Hindi cute.

Ang nanay mo, kumusta na kaya? Paminsan minsan naiisip ko din siya. Naiinis pa rin ako sa kanya, though mas namamanage ko na ngayon. May improvement na ko. hehe. Nag die down na yung frustration ko. Siyempre magkaibigan naman kasi kami talaga, bago ka pa dumating sa buhay namin.
Ngayon siguro naiinis na siya kasi di pa rin ako nagbabayad ng utang ko sa kanya. Hehe. Wag ka magagalit anak ah, babayaran ko na agad.

Naiisip pa rin kita ng madalas anak. Patunay siguro itong mga sulat ko sa iyo. Pasensya ka na ha. Naiinggit ang tatay sa mga kaibigan niyang may bulilit nang tulad mo. Sayang talaga. Yung iba sa kanila, bago manganak ay narinig na ang kwento nating dalawa. Alam ko magiging mabuting magulang sila. At alam ko magiging mabubuti din ang mga anak nila, kasi mapagmahal silang mga magulang.

Palagi ka namin ipinagdadasal ng mommy mo. Mahal na mahal ka din niya. Palagi niyang ipinapaalala sa akin na ipagdasal kita tuwing napapadaan kami ng St. Therese, at pag nagdadasal kami sa gabi. Ipagdasal mo din siya na sana palagi siyang maging masaya.

Mahal kita anak. Miss lang kita.

tatay.

April 16, 2010 at 8:23am
1 note

Santa Rosa Diaries.

April 15, 2010


Dear Alexa anak,

Kumusta ang summer mo anak? :D Dito napakainit pa rin at palagiang nawawalan ng kuryente. Malapit nang makalipas ang unang linggo ng trabaho ni Tatay. Medyo nakakaadjust na pero nahihirapan pa rin.

Medyo “eerie” ang pakiramdam ng tatay pag napasok sa trabaho. Siyempre kasi alam kong malapit lang ako sa kampo ng nanay mo. Araw araw kong nadadaanan ang Jollibee kung saan ako niyaya ng lola mo (ang nanay ng iyong nanay) para sana makipag usap tungkol sa iyo noon. Alam kong nakatira lang sila sa malapit. At dahil taga doon din ang nobyo ng nanay mo, alam kong maari ko silang makita anytime. Ang Lola mo, ang nanay mo, at si Pau.

Hindi naman anak sa naiilang akong makita sila. Okay lang sa akin ano. Ayoko lang na isipin nanaman nilang ginugulo ko ang nanay mo. Ano ba namang magagawa ko diba? Doon ako naassign magtrabaho. Nagtatrabaho lang naman ako.

At isa pang kwento, kung hindi ba naman talaga palabiro si Bro. Iniassign pa ako para magturo sa ikatlong eskuwelahan, sa eskuwelahan kung saan nagtuturo si Pau. Kung hindi ba naman sadyang mabiro si Bro, sa dinami dami ng eskuwelahan sa Sta Rosa, at sa dinami dami ng ibang pwedeng ma assign doon, ako pa. Ang tatay mo pa. Alam niyang di ko siya aatrasan. Haha. Birulang.

Alam ko marami akong kwentong mabubuo sa panahong magtatrabaho ako malapit sa baluarte ng nanay mo. Isishare ko lahat iyon sa iyo anak. Hintay hintay lang dahil nagiipon pa ng kwento ang tatay. Pati ang mommy mo natatawa din sa mga coincidence na nangyayari sa tatay. Siguro ikaw din. Kung nandito ka lang, knowing that you inherited my wit, sigurado aasarin mo rin ako. Hehe.

i love you anak, enjoy ka diyan.

Tatay. 

8:22am
16 notes

Apat na buwan. Apat na buwan.

April 10, 2010

Dear anak,

Namiss kong magsulat sa iyo. Kumusta ka na diyan? Namiss ka ng tatay. Nakakainis nga dahil masyado akong busy sa pag iisip ng kung anu ano. Masyado akong preoccupied ng mga bagay bagay. ika-10 nanaman ng buwan ngayon. Binilang ko sa kalendaryo, ngayong araw na ito, apat na buwan ka nang wala. Itinuturing ko nang espesyal na araw ang ika-sampu ng buwan para alalahanin ka. Hindi na para alalahanin ang masasakit na nangyari sa ating tatlo ng nanay mo, kundi para alalahanin ka, at ang lahat ng pinagdaanan natin. Apat na buwan pagkawala mo, marami pa lalong nakakilala sa iyo. Mga taong kilala ko at hindi ko kilala. Nakakatuwa at nakakataba ng puso at the same time, tuwing ika-10 ng buwan, hindi lang kami ng mommy mo ang nakakaalala sa iyo, maging sila na mga nakakabasa.

Anak, sana talaga mahanap na namin ang daan sa pagpapatawad. Nahihirapan pa rin kami ng mommy mo na patawarin silang lahat. Ang nanay mo, ang dati naming org, ang mga taong trumaydor sa amin. Ayaw na naming maging miserable sila sa hinaharap. Sana ngayong ikaapat na buwan mo na, matulungan mo kaming ipagdasal sila, at maipagdasal mo kami ng mommy mo, na mapatawad na namin sila sa ginawa nila sa amin.

Salamat anak, kasi alam kong lagi’t lagi kang nakabantay sa amin ng mommy mo. Palagi ka rin namin ipinagdarasal anak, ipagdasal mo rin ang nanay mo, na sana magbago na siya at maging masaya para sa sarili niyang landas. Mahal kita anak, alam na alam mo yan diba? Palagi mong naririnig, nababasa, at alam ko palagi mo rin yan mararamdaman.

Nagmamahal,

Tatay.